Home » News » Headlines » Basurero patay sa pamamaril

Basurero patay sa pamamaril

Patay ang isang basurero matapos pagbabarilin ng apat na hindi pa nakikilalang mga lalaki na sakay naman ng dalawang motorsiklo sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang 68 anyos na biktima na si Felix Martin na agad na namatay matapos pagbabarilin sa ulo sa loob ng kaniyang tahanan sa Building 30 ng Temporary Housing sa Tondo district.

Base sa paunang imbestigasyon, nakita umano ni Eduardo Mulado, 28 anyos, ang kalunos-lunos na sitwasyon ng biktima sa loob ng tahanan nito.

Ito’y matapos makarinig ng ilang putok ng baril si Mulado na nanggaling sa tahanan ng biktima.

Dali-daling naglakad si Mulado papunta sa tahanan ni Martin kung saan nakita nito na dalawang lalaki na tumatakbo palabas ng naturang bahay suot ang black jackets at may takip na panyo sa kani-kanilang mga mukha.

Agad na sumakay ang dalawa sa naghihintay na dalawang motorsiklo na kapwa minamaneho pa ng dalawang hindi din nakilalang mga lalaki.

Nakita na lamang ni Mulado na nakahandusay ang duguan at walang malay na biktima sa loob ng tahanan nito.

Agad na inireport ng witness sa Raxabago Police Station ang pangyayari.

Ayon naman kay SPO2 Charles Duran ng Manila Police Homicide division, nakuha ang dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu malapit sa bangkay ng biktima.

Patuloy na ang imbestigasyon sa kung ano ang naging motibo sa pagpatay kay Martin kung saan ang bangkay nito ay dinala na sa Cruz Funeral Parlor. (Analou de Vera)

comments