Home » News » News Roundup » Jeepney barker itinumba

Jeepney barker itinumba

Patay ang isang jeepney barker habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos na pagbabarilin ng dalawang motorcycle riders sa Parañaque City nitong Sabado ng gabi.

Base sa report na nakarating kay Senior Supt. Jose Carumba, Parañaque City police chief, nakilala ang napatay na si Michael Aguila, 42.

Nagtamo siya ng anim na tama ng bala sa kaliwang pisngi, batok at tiyan. Under observation naman sa Taguig-Pateros District Hospital ang kanyang asawa na si Anabelle dahil sa tama ng bala sa kaliwang balikat, ayon sa police report.

Base sa imbestigasyon ni SPO2 Christopher Bilangel, nakatayo ang mag-asawa sa East Service Road-Bicutan Interchange bandang 11:55 p.m. nang atakihin sila ng mga salarin.

“Magkalapit sila, nakatayo ‘yung lalaki habang nag-aantay ng pasahero tapos dumating yung mga suspek at pinaulanan sila ng bala,” sabi ni Bilangel.

“Hindi pa natin ang alam na motibo pero tinitignan natin kung may kaugnayan ito sa iligal na droga,” dagdag ni Bilangel. (Martin A. Sadongdong)

comments