Home » News » News Roundup » Lalaki nakaladkad ng tren, patay

Lalaki nakaladkad ng tren, patay

Patay ang isang lalaki nang masagasaan ng tren sa Sta. Mesa, Manila, Lunes ng umaga. Ayon sa mga pulis, nakilala ang biktima sa pangalang Ferdinand, residente ng Barangay 872, Zone 95, Kahilum 1.

Base sa imbestigasyon, naglalakad ang biktima malapit sa riles bandang 11:05 a.m. nang mahagip at makaladkad ng tren na may body number MSC-1035 sa southbound lane ng Kahilum 1.

Putol ang isang binti ng biktima. Sinabi ni Manila District Traffic Enforcement Group Investigation Unit chief Senior Inspector Arnold Sandoval na hindi narinig ng biktima ang paparating na tren.

Ilang linggo lang ang nakakaraan, isang grupo ng lasing na kabataan ang nahagip din ng train sa Sta. Cruz, Manila. Tatlo sa kanila ang patay habang tatlo naman ang malubhang nasugatan. (Jamie Rose R. Abiera)

comments