Home » News » News Roundup » Bahay ng pulis nilooban

Bahay ng pulis nilooban

Ninakawan ang bahay ng isang pulis sa Tondo, Manila, habang bumisita siya sa libingan ng kanyang kamag-anak nitong Martes.

Ayon kay PO1 Marlon San Diego, nakatalaga sa Manila Police District Support Unit (MPD-DSU), na kararating lamang niya mula sa Manila North Cemetery nang madiskubre niya ang panloloob sa kanyang bahay sa Dizon at Bambang Streets, Tondo.

Kinuha ng mga magnanakaw ang kanyang servce firearm na Glock 9mm pistol na nakalagay sa Orocan cabinet, Acer laptop, isang wallet na naglalaman ng P1,500 cash, at ilang identification cards.

Sinabi niya sa imbestigador na sinigurado niyang nakakandado ang lahat ng bintana at pintuan ng kanyang bahay bago siya tumungo sa puntod ng kanyang mga yumaong kamag-anak dakong 1 p.m.

Ngunit nang bumalik siya ng bahay makaraan ang siyam na oras, nakita niyang sira na ang padlock ng pintuan at nahalughog na ang buong kabahayan. (Analou de Vera)

comments