Home » News » News Roundup » Lalaki binaril sa harap ng asawa

Lalaki binaril sa harap ng asawa

Malubhang nasugatan ang isang television technician nang pagbabarilin ng dalawang nakamotorsiklong lalaki habang siya’y nakikipag-usap sa asawa matapos maghatinggabi kahapon sa Pasay City.

Under observation si Felipe Arca, 42, nakatira sa No. 70-C San Juan St., F.B. Harrison, Pasay, sa Ospital ng Maynila dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa report ng Pasay City Police, nakatayo si Arca at ang kanyang asawa na si Mary Ann, 35, malapit sa kanilang bahay bandang 12:10 a.m. nang biglang dumating ang dalawang lalaking nakasuot ng black jacket, maskara at helmet sakay ng isang motorsiklo.

Bumaba ang backrider mula sa motorcycle at binaril nang sunod-sunod ang biktima. Matapos nito, mabilis na tumakas ang dalawang salarin patungong Roxas Boulevard.

Base sa police record, sumuko si Arca sa mga pulis sa nakaraang Oplan Tokhang at nang makasama ang kanyang pangalan sa drug watchlist ng barangay.

Sinabi ni Mary Ann na buhat noon, tinalikuran na ng kaniyang asawa ang bawal na gamot. (Martin A. Sadongdong)

comments