Home » News » Headlines » 2 brods nasakote sa Tondo drug bust

2 brods nasakote sa Tondo drug bust

Patay ang isang hinihinalang drug pusher habang nadakip naman ang kanyang nakatatandang kapatid nang makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Manila, nitong Miyerkules ng gabi.

Dead-on-the spot si Noel Navarro, 28, habang sa kulungan naman ang bagsak ng kaniyang kapatid na si Delfin, 34, matapos na magbenta ng isang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng R300 sa isang undercover cop, ayon kay PO3 Ryan Balagtas ng Manila Police District (MPD) homicide section.

Na-corner ng anti-narcotics team ng MPD Station 7 ang magkapatid bandang 10:15 p.m. sa kanilang bahay sa Almeda Street, Brgy. 226, Zone 21.

Base sa inisyal na imbestigasyon, matapos na maibigay ng poseur-buyer ang kaniyang bayad para sa droga, inutusan ni Noel sa kaniyang kuya na ibigay ang shabu sa kanilang kliyente.

Matapos na makuha ang shabu, sinenyasan ng undercover police ang back-up team na arestuhin na ang magkapatid.

Sa puntong ito, bumunot ng baril si Noel at pinaputukan ang pulis, dahilan para gumanti ang mga alagad ng batas na nauwi sa kanyang pagkamatay.

Agad namang naaresto si Delfin na ngayon ay nakapiit sa MPD Station 7.

Na-recover ng police sa crime scene ang isang .38-caliber pistol, limang pakete ng shabu, isang pakete ng marijuana, at ang boodle money. (Analou De Vera)

comments