Home » News » News Roundup » New Roundup » Drug den sinalakay; 1 patay, 10 arestado

Drug den sinalakay; 1 patay, 10 arestado

Isang hinihinalang drug pusher ang napatay habang 10 katao ang naaresto nang salakayin ng mga pulis ang isang drug den sa Barangay Old Balara, Quezon City, hatinggabi ng Biyernes.

Ayon sa police, wala nang buhay si Ariel Tabucuran alias “Aying,” 22, nang idating sa East Avenue Medical Center matapos umanong makipagbarilan sa mga operatiba ng Batasan Police Station (PS-6) bandang 12:30 a.m. sa Area 6, Luzon Avenue.

Bago naganap ang shootout, nakatanggap ang PS-6 ng text message mula sa concerned citizen tungkol sa nagaganap na shabu session sa loob ng bahay ng isang Harold Tarroza alias “Bong” at kanyang live-in partner na si “Lulo” sa naturang lugar. Kasama ang dalawa sa drug watchlist ng PS-6.

Nang puntahan ng Tactical Motorcycle Riders’ (TMR) unit ang lugar para i–verify ang report, nadatnan nilang nagsasagawa ng test buy ang anti-narcotics operatives ng police station laban kay Tabucuran.

Dahil naalarma sa pagdating ng TMR, tumakbo si Tabucuran patungong bahay ni Tarroza at pinaputukan ng baril ang mga pulis.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspect.

Nakatakas ang may-ari ng drug den habang naaresto naman si Lulo kasama ang pitong lalaki at dalawang babae na nagpositibo sa drug tests. (Vanne Elaine P. Terrazola)

comments