Home » News » News Roundup » Lalaking makikipagkita sa GF binaril

Lalaking makikipagkita sa GF binaril

Patay ang isang 64-year-old man nang barilin sa ulo ng hindi kilalang lalaki habang naglalakad para makipagkita at makipag-ayos sa kaniyang live-in partner sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa police, makikipagkita sana ang biktimang si Cornelio Salvador alias Asyong, residente ng Marikina, sa kaniyang partner na si Cathy Dizon, 32, matapos silang magkatampuhan nang siya’y mapatay sa Old Antipolo Street, Tondo, bandang 4:15 a.m.

Nakuhanan ng security camera sa lugar ang pag-abang at pagbaril ng salarin kay Salvador, base sa police report.

Nakasuot ang gunman ng white shirt, short pants, at sombrero. Tinutugis na siya ngayon ng mga pulis.

Sinabi ni Dizon sa police na magkasama sila ni Salvador sa isang hotel sa Sta. Cruz mula 6 a.m. hanggang 2 p.m. noong Sabado. Iniwan niya sa hotel ang biktima matapos silang mag-away.

Kalaunan, nagkasundo silang mag-ayos at magkita sa Laguna St., Tondo, sa oras na 3 a.m. kahapon.

Bago pa man sila magkita, nalaman na lang niya na nabaril at napatay si Salvador. Nang puntahan niya ang lugar, nakita niya na duguan at wala nang buhay ang biktima sa daan.

Na-recover sa crime scene ang isang basyo ng bala ng .45-caliber pistol.

Ayon sa mga imbestigador, walang alam na dahilan si Dizon para patayin ang kanyang partner. (Betheena Kae Unite)

comments