Home » News » News Roundup » Tulak patay sa shootout

Tulak patay sa shootout

Patay ang isang hinihinalang drug peddler nang tangkain umano niyang barilin ang mga pulis na sumalakay sa kanyang bahay sa Sampaloc, Manila, noong Miyerkules ng hapon.

Dead on arrival si Nelson Viñas, 51, sa Ospital ng Sampaloc, dahil sa isang tama ng bala sa dibdib. Kinumpirma ng pulis na kasama siya sa drug watchlist.

Naganap ang insidente dakong 4:15 p.m. matapos makatanggap ng tawag ang Lacson Police Community Precinct (PCP) mula sa isang concerned citizen tungkol sa nagaganap na shabu session sa bahay ni Viñas sa MF Jhocson Street.

Nang aktong aarestuhin na si Viñas, tinutukan niya ng baril ang mga pulis, ngunit nabaril siya na isa sa mga operatiba bago pa man niya napisil ang gatilyo.

Na-recover sa crime scene ang isang paltik na baril, apat na pakete ng shabu at isang weighing scale. Inaresto naman ang babaeng kasama ni Viñas na si Evelyn. Nakakulong siya ngayon sa Sampaloc Police Station. (Analou de Vera)

comments