Home » News » News Roundup » Anak ng dating congressman inaresto

Anak ng dating congressman inaresto

Dinakip noong Miyerkules ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang anak ni dating Leyte 3rd District Representative Andres Salvacion Jr. dahil sa illegal possession of firearms.

Natagpuan ng mga operatiba ng QCPD special operations unit (DSOU) at Novaliches Police Station ang mga baril at bala sa bahay ni Roel Andrew Salvacion, 47, sa kanto ng Abraham at Isiaah Streets, Goodwill Homes-2, Barangay Bagbag, Novaliches, nang salakayin nila ito bandang 3:30 p.m. noong Miyerkules.

Kasama sa mga nakumpiska sa bahay ng suspect ang .40-caliber pistol, .38-caliber revolver, airgun na may rifle scope, at mga bala ng iba’t ibang kalibre ng baril.

Ang pagsalakay sa bahay ni Salvacion ay isinagawa sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Angelene Mary Quimpo-Sale ng National Capital Judicial Region (NCJR) RTC Branch 106 matapos na makumpirma ang report na may itinatagong hindi mga lisensiyadong mga baril ang suspek. (Vanne Elaine Terrazola)

comments