Home » Entertainment » Dennis Padilla loses chance to work with daughter Julia

Dennis Padilla loses chance to work with daughter Julia

dennis-padilla-copy-copy

NATUWA si Dennis Padilla nang makatanggap siya ng invitation mula sa anak niyang si Julia Barretto para manood ng kanyang pelikula sa Metro Manila Film Festival na “Vince, Kath & James.”

First time raw na magku-comedy si Julia at gusto niyang makuha ang comment and opinion ng kanyang amang komedyante.

“Kahit naman hindi ako imbitahan sa premiere night, panonoorin ko pa rin ang movie niya. Siyempre, anak ko ’yan at talagang nanonood ako ng MMFF entries,” ngiti pa ni Dennis.

Dapat ay kasama si Dennis sa “Vince, Kath & James.” Pero nagkaroon ng conflict sa taping schedule niya para sa GMA teleseryeng “Alyas Robin Hood.”

“Hindi nag-swak ang schedule ko with ‘Alyas Robin Hood’ sa binigay nilang shooting days.

“Nakiusap ako na baka puwede sa ibang days. Pero nira-rush na raw nila ang movie kasi para sa MMFF.

“Sayang kasi first time sanang magkasama kaming mag-ama sa movie.

“Noong tumawag ako kay Julia at tinanong ko kung puwede pa akong mag-shoot for the movie, natapos na raw. Gano’n sila kabilis gumawa ng movie pala ngayon.”

Christmas wish ni Dennis ay makasama ang kanyang mga anak kay Marjorie Barretto.

“Gusto ko kasing ma-meet nila ang bagong baby ko.

“Kakapanganak lang ng misis kong si Linda (Gorton) sa second baby namin last Nov. 30. Baby girl ito na pinangalanan naming Mary Madeline or Baby Mady.

“Noong aksidenteng nagkita kami ni Julia sa gym, sabi ko sa kanya na sana bago mag-Pasko ay magkita-kita kami ng mga kapatid niya para makasama naman sila ng dalawa ko pang anak.

“Yung panganay ko kay Linda na si Gavin, 4-years old na. Lagi niyang tinatanong sa akin kung kelan papasyal ang mga ate niya at ang kuya niya sa bahay?”

Sana raw ay mapagbigyan naman ang hiling niya ngayong Pasko at walang humarang sa pagdalaw ng mga bata sa kanya.
(RUEL J. MENDOZA)

comments