Home » News » News Roundup » 2 robbers patay sa shootout

2 robbers patay sa shootout

Patay ang dalawang hinihinalang magnanakaw nang makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City kahapon ng umaga. Inaalam pa ng police ang pangalan ng mga napatay na suspek na tinatayang nasa edad 25 hanggang 35.

Sinabi sa police ni Giovanne Lastimosa, stay-in attendant ng isang carwash shop sa Bristol St., Barangay North Fairview, na nagpapahinga siya sa loob ng opisina bandang 1:30 a.m. nang biglang pumasok ang dalawang lalaki.

Ayon sa kanya, sinira ng mga suspek ang metal grills sa opisina gamit ang isang vault cutter at kinuha ang television, amplifier at speakers na nakakabit sa dingding.

Kinuha rin ng mga magnanakaw ang cash box ng shop na naglalaman ng P880 pera at ilang barya. Ipinagbigay alam ng carwash attendant ang nakawan sa kanilang employer na si Nicanor Mucal na kaagad na nag-report sa police.

Tamang-tama naman na nagpapatrolya sa lugar ang miyembro ng QCPD special operations unit na mabilis na rumesponde sa pinangyarihan ng nakawan.

Kaagad namang namataan ng mga pulis ang mga suspek na dala ang kanilang mga nakulimbat at papaalis ng shop. Sa halip na sumuko, bumunot ng mga baril ang dalawang suspek at pinaputukan ang mga alagad ng batas.

Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang dalawa. Nakumpiska sa mga napatay ang .38 at .45-caliber handguns. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. (Vanne Elaine Terrazola)

comments