Home » News » News Roundup » Lalaki nang-agaw ng cellphone, tiklo

Lalaki nang-agaw ng cellphone, tiklo

Naaresto ng police ang isang 22-taong gulang na holdup suspect habang nakatakas naman ang kaniyang kasapakat matapos nilang nakawan ng cellphone ang isang mag-aaral sa Sta. Cruz, Manila, noong Lunes ng hapon.

Kinilala ng police ang nadakip na si Romnick Mallari, nakatira sa Capulong Street, Tondo. Base sa police investigation, naglalakad pauwi ng bahay si Jonathan Neil Famy, 20, sa kanto ng Malabon at P. Guevarra Streets dakong 5:30 p.m. nang biglang huminto sa tabi niya ang dalawang suspects sakay ng isang motorsiklo.

Bumaba si Mallari mula sa motorsiklo at tinutukan ng balisong ang biktima, sabay hablot sa kaniyang Nokia E-72 mobile phone na nagkakahalaga ng P8,000. Tumakas si Mallari at ang driver ng motorsiklo patungong P. Guevarra Street kung saan sila hinabol ng nagpa-patrol na police officers mula sa Sta. Cruz Police Station.

Nadakip si Mallari habang nakatakas naman ang kaniyang kasapakat matapos silang mahulog sa motorsiklo. Na-recover kay Mallari ang cellphone ng biktima.

Dinala siya sa police station at nakatakdang sampahan ng mga kasong theft at concealment of deadly weapon sa city prosecutor’s office. (Analou de Vera)

comments