Home » News » News Roundup » Taxi driver, natagpuang patay

Taxi driver, natagpuang patay

Natagpuan ng police ang isang abandonadong taxi sa tapat ng isang car store sa Lagro, Quezon City noong Sabado ng gabi, isang araw matapos na makita ang bangkay ng driver nito sa karatig barangay, ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon.

Kinilala ni QCPD director Police Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang biktima na si Rafael P. Dorosan, 44, taxi driver at residente ng Palanas B, Barangay Vasra, Quezon City.

Base sa police report, nakita ang bangkay ng biktima na tadtad ng bala, nakadapa at nakaposas ang kamay sa likod sa Daculan Street, Sitio San Roque 2, Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City, dakong 2:30 a.m., Biyernes.

Sinabi ni Chief Supt. Rodel Marcelo, chief ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na na-recover ang Dorosan’s taxi, isang Toyota Avanza (UVY-152), sa tapat ng Toyota Fairview sa Mindanao Avenue Extension, Barangay Greater Lagro, Quezon City, bandang 9 p.m. nitong Sabado.

Ayon kay Eleazar, patuloy pa ang pagsisiyasat para malaman kung sino at ano ang nasa likod ng pagpatay sa biktima. (Francis T. Wakefield)

comments