Home » Entertainment » Sylvia Sanchez treasures her best actress awards

Sylvia Sanchez treasures her best actress awards

sylvia-sanchez-001-400-copy-copy

Labis ang pagpapahalaga ni Sylvia Sanchez sa mga acting awards na natatanggap niya. Espesyal ang mga parangal na ito para sa kanya lalo na ang recent best actress awards na nakuha niya mula sa Gawad Tanglaw at The Guild of Educators, Mentors, and Students (GEMS) para sa mahusay niyang pagganap bilang si Gloria, isang inang may Alzheimer’s disease sa The Greatest Love (TGL), ang kauna-unahang teleseryeng pinagbidahan niya. May rebelasyon pa si Sylvia kung saan niya inilalagay ang kanyang awards.

“Sobra kong bina-value iyan. Pag nakita niyo sa bahay, hindi iyan naka-display sa labas o sa kung saan man. Nasa kuwarto ko silang lahat. Kasi alam ko eto yung pinaghirapan ko, eto yung sinabi ko sa nanay ko na mag-aartista ako, na 40 years ago sinabi ko sa nanay ko na, ‘Ma, isang araw magkakaroon ako ng mga awards, ipagmamalaki mo ako. Hindi mo pa makikita iyan ngayon. Hindi ko alam kung ilang taon bago ko makuha iyon, pero alam ko darating iyong pagkakataon na iyon.’ Kaya mula 1992 hanggang ngayon sa TGL, yung mga awards na nakukuha ko nasa kuwarto ko, akin iyon. At hindi bili iyon. Pinaghirapan ko iyon,” sabi ni Sylvia sa thanksgiving presscon ng The Greatest Love.

Bakit naman siya nagiging emosyonal sa tuwing nagpag-uusapan ang tungkol sa respeto at pagmamahal na natatanggap niya mula sa mga manonood ng The Greatest Love? “Iba ang ginawa ng TGL sa buhay ko, sa career ko. For 27 years, ito yung nag-angat sa akin. Ito yung nagpakita ng kakayahan ko bilang artista. Marami na akong naging projects, marami na akong naging teleserye at movies, pero ito yung pinakamagandang ginawa ko. Ito yung nagpakilala sa akin sa lahat ng tao,” ani Sylvia.

Nakatakdang umere ang finale episode ng The Greatest Love sa April 21. Mapapanood ang huling tatlong linggo nito mula Lunes hanggang Biyernes ng hapon pagkatapos ng The Better Half sa ABS-CBN. (GLEN P. SIBONGA)

comments