Home » Entertainment » Robi Domingo owns a company aside from his showbiz career

Robi Domingo owns a company aside from his showbiz career

By GLEN P. SIBONGA

Ibinuko si Robi Domingo ng kanyang kaibigan at co-MYX VJ na si Ai Dela Cruz na may pinamamahalaan palang sariling kumpanya ang Kapamilya TV host bukod sa pagiging busy sa showbiz career nito.

“May ire-reveal ako. Hindi ito alam ng mga tao. Kasi po si Robi bukod sa showbiz life niya, alam natin ang dami niyang hinu-host na programs, actually, mayroon po siyang kumpanya sa labas ng showbiz. As in nagulat po ako, hindi niya sinasabi ito sa mga tao. Nalaman ko lang kasi one time kinuha po ako bilang host for a company event. Tapos habang pumipirma ako ng kontrata, napansin ko doon, President – Robert Marion E. Domingo. Sabi ko, pangalan ito ni Robi a. Junior ba si Robi? Tatay niya ba ito? E kaso doktor yung tatay niya, so hindi president ng kumpanya. So, tinanong ko yung mga tao doon, tapos tinanong ko na rin siya (Robi). Apparently, siya yun. Mayroon siyang pinapatakbong kumpanya,” paglalahad ni Ai nang mag-guest sila ni Robi sa ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay.

Ano ba itong kumpanya na ito? “Recruitment agency, pinapadala po sa abroad,” biro ni Robi noong una. “Pero eto rin manpower kasi ang ginagawa namin brand activations, so yung mga events, mga sets, kami po yung nagpo-provide sa mga kumpanya.”

Gaano katagal na ito? “Mga two years na. Kasi kung ano yung ginagawa ko sa entablado, parang in-apply ko na rin sa labas ng ABS-CBN. Doon ko mas na-appreciate yung mga taong nagtatrabaho sa likod ng camera. Kasi po kami nakikita niyo sa TV, eto lang po yung ginagawa namin, pero hindi po magiging successful ang isang programa kung wala po yung mga taong nasa harap po namin ngayon (cameramen at production staff).”

Hindi rin nakaligtas si Robi sa tanong na may kinalaman sa lovelife at career, especially galing siya sa breakup kay Gretchen Ho. Choice niya ba ito na asikasuhin muna niya ang kanyang career kaysa magka-lovelife? “Yes, to a certain extent. Kasi may mga bagay na kailangang i-let go, kasi kailangan mong i-prioritize yung mga bagay na kailangan mong gawin sa ngayon. Ang buhay inilalagay ko iyan per chapter e. Eto yung chapter na kailangang igugol ko yung oras ko sa trabaho at sa sarili ko muna. Kasi paano mo mailalabas yung pagmamahal mo sa iba, kung ikaw sa sarili mo hindi pa kumpleto. So, eto yung chapter na kailangan kong kumpletuhin ang sarili ko e,” paliwanag ni Robi.

Bukod sa pagiging MYX VJ, napapanood din si Robi na naghu-host sa ABS-CBN shows na I Can Do That at ASAP.

comments