Home » Entertainment » Melai used snake oil in giving birth

Melai used snake oil in giving birth

Masayang-masaya si Melai Cantiveros na nakabalik na ulit siya sa paghu-host ng “Magandang Buhay” kasama ang kapwa niya Momshies na sina Karla Estrada at Jolina Magdangal. Na-miss nga raw niya ang mga kulitan nila sa naturang ABS-CBN morning talk show. Pansamantala kasing nagpahinga si Melai matapos manganak sa pangalawang baby nila ni Jason Francisco noong April 9.

Ang dami ngang kuwento ni Melai tungkol sa kanyang panganganak sa bago nilang anghel na si Stela Rosalind. Kasama na riyan ang kuwentong pagsunod niya sa pamahiin nila ng pagpapahid ng langis ng ahas bago siya manganak. “Pag-ipapahid mo iyan talagang parang ahas na lalabas. Akala ko nga ahas ang lalabas e, buti na lang tao,” biro ni Melai. “So, lumabas kaagad siya, kaya mabilis akong nanganak.”

Ano ang feeling niya noong una niyang makita si Baby Stela? “Ang unang feling ko ‘Success!’ Tapos pagkita ko sa anak ko, medyo matangos ang ilong at saka may pagka-Jason talaga,” natutuwang sabi ni Melai. “Sobrang happy dahil sa wakas nakalabas siyang safe kasi ’yun naman talaga ang pinoproblema ko. Di ba sa tiyan ko pa lang siya, ang dami ko nang kung ano-ano (nararamdaman), nag-wheelchair na ako sa taping. Gusto ko talaga mailabas siyang safe and healthy.”

Ang asawa niya raw si Jason ang nakaisip ng pangalang Stela Rosalind. “Siya naman talaga ang nakatoka diyan. First day naospital, second day pa talaga niya naibigay ang pangalan kasi nag-research pa siya. Kasi si Mela (panganay nila), Amelia Lucille ang ibig sabihin little light. Itong pangalawa Stela Rosalind, Stela ay star daw at ang Rosalind ay beautiful, kaya beautiful star.”

Ano ang kaibahan sa una at pangalawa niyang panganganak? “Sa panganganak na normal, mas madali ang pangalawa. Pero sa pag-aalaga parang back to zero pa rin. Kasi nakalimutan mo na ’yung lambot ng bata, ’yung ano ba ang gusto ng bata, siyempre me-memorize-in mo ulit. Pero hindi ka na ganung ka-emotional na, ‘Ay, may taong lumabas sa akin.’ Hindi na ganun, kasi alam mong may lumabas na, may nauna na. Pero feel na feel ko na nanay ulit ako.”

Hands-on daw si Melai kay Baby Stela at nakakatulong pa niya sa pag-aalaga sina Jason at Baby Mela. (Glen P. Sibonga)

comments