Home » News » News Roundup » Amok binaril ng rookie cop

Amok binaril ng rookie cop

Isang lasing na lalaki ang nabaril ng isang baguhang pulis matapos siyang magwala at magbantang pupugutan ang mga tumatawid sa daan habang hawak ang isang baton sword sa Parañaque City noong Martes ng umaga.

Kinilala ni Senior Inspector Allan Abaquita, chief ng Parañaque police investigation unit, ang nabaril na suspek na si Renato Caballero, 30, ng Barangay BF Homes, Parañaque.

Base sa police report, patungo na si PO1 Jeffrey Lucas sa Parañaque Police Community Precinct (PCP)-7 para sa kaniyang duty dakong 7:30 a.m. nang hingin ng apat na traffic enforcers ang kaniyang tulong para awatin si Caballero na nagwawala sa President’s Avenue, BF Homes.

Nang lapitan ni Lucas ang suspek para awatin, tinangka ng huli na tagain siya ng baton sword. Kaagad na bumunot ng baril si Lucas at binaril si Caballero sa kaliwang binti.

Isisnugod si Caballero sa Ospital ng Parañaque kung saan siya nagpapagaling. Nakatakda siyang sampahan ng kasong illegal possession of bladed weapon at alarm and scandal paglabas niya ng ospital ngayon (May 25).
(Martin A. Sadongdong)

comments