Home » News » News Roundup » Lalaki patay sa bugbog

Lalaki patay sa bugbog

By: Vanne Elaine P. Terrazola

Isang 52-taong gulang na lalaki ang nasawi matapos bugbugin ng kaniyang kapitbahay sa Quezon City noong nakaraang Biyernes.

Binawian ng buhay si Remijio Nabual ng Viginia Street, Barangay Gulod, Novaliches, dakong 3:17 p.m. noong Linggo sa Novaliches District Hospital, dalawang araw matapos siyang suntukin ni Godofredo Calma, Jr., 26.

Ayon sa police, nakita ang dalawa na nagtatalo sa Virginia Street bandang 10 p.m. noong Biyernes.

Sinabi ng asawa ni Nabual na tinangka pa niyang awatin ang dalawa, ngunit umalma si Calma.

Base sa police report, pinagsusuntok ni Calma sa mukha ang biktima gamit ang isang brass knuckle na inilagay niya sa kanang kamay. Natumba sa lupa ang biktima una ang ulo at nawalan ng malay.

Tumakas si Calma habang isinusugod si Nabual ng kanyang asawa sa ospital.

Dahil sa tindi ng pinsalang tinamo, namatay si Nabual habang naka-confine sa ospital noong Linggo.

Naglunsad ang Novaliches police ng manhunt operation ngunit nabigo silang matagpuan ang suspect.

comments