Home » News » News Roundup » Lalaki binaril ng GF

Lalaki binaril ng GF

By: Vanne Elaine P. Terrazola

Kalaboso ang bagsak ng isang babae matapos niyang barilin at mapatay ang kaniyang lover sa gitna ng kanilang pag-uusap sa Quezon City, Martes ng gabi.

Kusang sumuko si Cherry Pie Aspa, 23, sa awtoridad isang oras matapos niyang barilin si Eric Mella, 33, sa F. Calderon Street, Barangay Sta. Lucia, dakong 9:20 p.m.

Ayon sa police, nakita ng mga testigo si Aspa na nakikipag-usap kay Mella nang bigla na lang siyang bumunot ng baril at paputukan sa dibdib ang biktima.

Namatay kaagad si Mella habang mabilis na tumakas si Aspa.

Dakong 10:10 p.m., lumitaw si Aspa sa Fairview Police Station at umamin sa krimeng nagawa.

Isinuko rin niya ang .22-caliber pistol na ginamit niya sa pagpatay kay Mella, at isang plastic bag na naglalaman ng dried marijuana at isang glass pipe.

Base sa initial investigation, nagtalo ang dalawa dahil sa pinansiyal na problema bago naganap ang pamamaril.

Ayon kay Senior Inspector Elmer Monsalve, chief ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) homicide section, regular na nagbibigay ng pera si Aspa kay Mella.

comments