Home » Headlines » Bangkay sa loob ng balikbayan box

Bangkay sa loob ng balikbayan box

By: Jean Fernando

Isang bangkay ng lalaki na nakasilid sa isang balikbayan box ang natagpuan kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Inilarawan ni Senior Supt. Marion Balonglong, city police chief, ang bangkay na nasa edad 50 hanggang 55, may taas na 5’4’’, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan, maayos na gupit ng buhok, at nakasuot ng jersey short at black sleeveless shirt.

Sinabi ni Balonglong na nakita ang katawan ng biktima dakong 4:30 a.m. malapit sa gate ng CAA Elementary School sa Patola St., Barangay CAA, Las Piñas City.

Ayon sa isang residente ng barangay na si Andrew Pitancio, 27, natagpuan niya ang balikbayan box katabi ng sako-sakong basura nang maamoy niya ang masangsang na amoy na nagmumula doon. Agad niya itong ipinagbigay alam sa police.

Pinunthan ng Southern Police District Scene of the Crime Operatives (SPD-SOCO) sa pangunguna ni Chief Inspector Neil Conrad Aguila ang balikbayan box at nakita nila sa loob nito ang bangkay ng hindi kilalang lalaki.

Sinabi ni Balonglong na nakatali ang kamay at paa ng biktima at nababalutan ng packaging tape.

Ayon sa city police chief, aalamin pa nila ang motibo ng pagpatay sa biktima.

Dinala ang bangkay sa Peoples Funeral Homes para ma-autopsy at makilala ng mga kamag-anak.

comments