Home » News » News Roundup » Pulis nagpaputok ng baril, arestado

Pulis nagpaputok ng baril, arestado

By: Jaimie Rose R. Aberia

Arestado ang isang pulis matapos niyang magpaputok ng baril at masugatan ang isang customer sa loob ng isang videoke bar sa Tondo, Manila, dakong 12:30 a.m. kahapon.

Ayon sa police report, lasing na si SPO2 Ryan Marcelo, nakatalaga sa Manila Police District Headquarters Support Unit, nang dumating sa Butch Videoke Bar.

Base sa kwento ng isang witness, sinalubong si Marcelo at ang kaniyang kasamang si PO2 Ramada Mupa ng mga customer na sina Julius Ceasar Faustino at Augustus Faustino at sinabihan sila na “Andito pala kayo, isang putok naman diyan.”

Ikinasa ni Marcelo kaniyang baril at pinaputukan ang sahig. Tumalsik ang bala at tinamaan si Charlito Tismo, 37. Ayon kay MPD General Assignments and Investigation Section (GAIS) head Chief Inspector Joey De Ocampo, itinanggi ni Marcelo na nagpaputok siya ng baril.

“Ayon sa kanya, sinalo niya ‘yung baril niya dahil nalaglag kaya lang aksidenteng nakalabit niya kaya pumutok,” sabi De Ocampo.

Tumagal ng dalawang oras bago naaresto si Marcelo ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT). Sasampahan ng kasong alarm and scandal and slight physical injury si Marcelo.

comments