Home » Opinion » Gentleman ang mister mo

Gentleman ang mister mo

By: Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,
Sampung taon na kami ng aking mister at may dalawang anak. Masaya naman ang aming pagsasama.

Kahapon, may nakapagsabi sa aking isang kaibigan na nakita niya ang mister ko na tumatawid habang hawak sa kanang kamay ang isang babae at sa kaliwang kamay naman ang isang batang lalake.

Ano po kaya ang ibig sabihin nito? May iba po bang pamilya ang mister ko? Sana mabigyan niyo ako ng mabilis na kasagutan!

Anita ng Nueva Ecija

Hi Anita,
Ano ka ba! Wala kang dapat ikabahala! Wag mag-isip ng kung ano-ano! Napaka-swerte mo pa nga dahil nakapag-asawa ka ng isang lalakeng gentleman! Malamang, nakita ng mister mo ang babae at batang lalake na patawid sa kalye kaya inalalayan niya!

Delikado kasi ang tumawid ngayon sa mga daan lalo na at napakabilis ng mga sasakyan. Ang daming aksidente ngayon!

Siguradong tinulungan lang ng mister mo tumawid ang mag-ina! Wala ka dapat ikabahala! Kahit ako ang nasa lugar ng mister mo, gagawin ko rin yun!

Kaya nga madalas makita rin ako na tumatawid na kahawak na babae. Minsan nga, papalabas ako ng sinehan, may inalalayan akong babae dahil madilim! Kaya paglabas naming ng sinehan, magkahawak kami! Wala namang malisya sa aming mga lalake yan!

Uulitin ko, wala ka dapat ikabahala! Pati na rin sa lahat ng mga misis na nakakabasa nito!

Hi Alex,

Inis na inis ako sa pusa ng kapit-bahay namin! Lagi na lang dumudumi dito sa bakuran ng bahay namin! Nakakabad-trip talaga! Ano ba ang magandang gawin?

Jeff ng Sta. Mesa

Hi Jeff,
Simple lang! Kung may pusa ka, dun mo din padumihan sa bakuran nila! Kung wala, ikaw mismo ang dumumi para it’s a tie!

Hi Alex,
Maraming mga bagay ang gumugulo sa isipan ko. Lately, isang bagay ang talagang gusto ko malaman ang kasagutan! Ang tanong ko, kapag tumalon ba lahat ng lahat ba ng tao sa buong mundo ng sabay-sabay eh lilindol?

Chester ng Tatalon, QC

Hi Chester,
Hindi ako siguradong lilindol pero ang sigurado ako, magmumukha tayong tanga!

* * *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com or facebook/twitter/instagram:

alexcalleja1007.

comments