Home » Entertainment » Aljur thankful to Coco for warm welcome

Aljur thankful to Coco for warm welcome

By GLEN P. SIBONGA

PUNO ng pasasalamat si Aljur Abrenica ngayong isa na siyang Kapamilya. Mapapanood siya soon sa top rating ABS-CBN primetime teleserye ng “FPJ’s Ang Probinsyano,” na pinagbibidahan ni Coco Martin. Wala ngang pagsidlan ng kasiyahan si Aljur sa mainit na pagtanggap sa kanya ng ABS-CBN, ng Dreamscape Entertainment Television, at ni Coco.

“Wala po akong masabi kundi grateful po ako sa mga nangyayari ngayon sa akin. Sa mainit na pagtanggap sa akin ng ‘Ang Probinsyano,’ maraming-maraming salamat. Sir Coco, maraming salamat sa mainit na pagtanggap sa akin, sa mga advices at napag-usapan natin. Kina Sir Deo Endrinal at sa lahat ng bumubuo ng Dreamscape at ABS-CBN, kina Sir Lauren Dyogi at Ma’am Cory Vidanes, maraming-maraming salamat po. Alam po natin na galing po ako sa kabilang network. Para po sa akin eto po ay panibagong buhay. Marami na pong nangyari sa akin, pero sa ngayon eto po ay panibagong buhay,” paglalarawan ni Aljur sa ginawa niyang paglipat sa ABS-CBN mula sa GMA.

Labis ding ikinatuwa ni Aljur nang malaman niya na nang mabalitaan ni Coco na papasok na siya sa ABS-CBN ay hiniling raw ng Primetime King sa management na sana ay sa “FPJ’s Ang Probinsyano” muna lumabas si Aljur bago ito bigyan ng ibang teleserye. Ayon kay Coco, matagal na niyang kakilala si Aljur at nakapag-usap na raw sila na sana nga ay magkatrabaho silang dalawa, na natupad na nga sa “Ang Probinsyano.” Si Coco rin ang kauna-unahang nag-welcome kay Aljur sa ABS-CBN sa pamamagitan ng pag-post sa Instagram niya.

Ano naman ang naramdaman ni Aljur sa ginawang ito ni Coco? “Halo-halong emosyon po ‘yung naramdaman ko dahil late ko na nalaman, after mga ilang oras ko nalaman na nag-post at winelcome ako ni Mr. Coco Martin sa ABS-CBN. Medyo halo-halong emosyon kasi na-overwhelm ako sa mga pangyayari dahil ngayon lang po ulit ako magtatrabaho tapos sa privilege pa po ng panibagong network at mas lalo pa po siyang naging privilege dahil kay Mr. Coco Martin. I’m so grateful sa mga bagong nangyayari sa akin ngayon,” sabi ni Aljur.

Gagampanan ni Aljur si Miguel, ang bagong karakter na makakaharap ni Cardo (Coco) sa papasok na istorya tungkol sa illegal quarrying. Mapapanood ang “FPJ’s Ang Probinsyano” mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “TV Patrol” sa ABS-CBN Primetime Bida.

comments