Home » Headlines » 60 pamilya nasunugan

60 pamilya nasunugan

BY: Alexandria Dennise San Juan

Nasa 30 kabahayan ang natupok sa sunog na umabot sa 5th alarm sa isang residential area sa Agham Road, Quezon City, Lunes ng gabi.

Sinabi ni Senior Supt. Manuel Manuel ng Bureau of Fire Protection – Quezon City na nagsimula ang sunog sa second floor ng isang bahay na pag-aari ni Janet Cumora sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pag-asa dakong 11:33 p.m.

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na gawa sa light materials. Nasa 60 pamilya ang naapektuhan ng sunog.

Tumagal ng dalawang oras ang sunog bago tuluyang naapula ng 40 rumesponding firetrucks sa oras na 1:01 a.m.

Umabot sa R400,000 ang halaga ng ari-arian na nasira.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog.

comments