Home » News » News Roundup » Trike driver pinatay ng 3 magkakapatid

Trike driver pinatay ng 3 magkakapatid

By: Alexandria Dennise San Juan

Pinatay sa saksak ang isang tricycle driver ng tatlong magkakapatid matapos mag-away dahil sa parking lane sa Barangay Tatalon, Quezon City, noong Huwebes ng gabi.

Ayon sa police report, binawian ng buhay ang biktimang si Eduardo Blanco, 38, bago pa man maisugod sa ospital dahil sa dami ng saksak sa katawan.

Base sa isang witness, naglilinis ng tricycle si Blanco nang lapitan at pagsasaksakin nina Darwin Flores at Abeng Flores gamit ang mga patalim.

Habang inaatake ang biktima, sumigaw pa si Abeng ng “Patay ka ngayon Edwin!”. Matapos ang pananaksak, mabilis na tumakas ang dalawa kasama ang kanilang kapatid na si Amman Flores na nagsilbing lookout.

Bago naganap ang insidente, sinabihan ni Blanco si Abeng na huwag maging sakim sa pagkuha ng mga pasahero at sundin ang panuntunan ng kanilang association. Ikinagalit ni Abeng ang sinabi ng biktima. Pinaghahanap na ng police ang tatlong magkakapatid na Flores.

comments