Home » News » News Roundup » Lalaki binaril sa loob ng bahay

Lalaki binaril sa loob ng bahay

By: Alexandria Dennise San Juan

Patay ang isang 50-taong gulang na lalaki nang pagbabarilin kahapon ng mga hindi kilalang gunmen sa loob mismo ng kaniyang bahay sa Barangay Payatas-A, Quezon City.

Kinilala ni Roldan Cornejo, investigator ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit ang biktima na si Arturo Patiño, 50, residente ng Ilang-ilang Street, Barangay Payatas-A.

Sinabi ng anak ni Patiño na si Aira Kaye na nagising ang kanilang pamilya sa malalakas na katok sa kanilang pinto dakong 2:40 a.m.

Nang magtungo ang biktima sa living room para tingnan kung sino ang kumakatok, narinig ni Aira Kaye ang biglang pagbukas ng pintuan at sunod-sunod na putok ng baril.

Agad na lumabas ng kuwarto ang anak at doon niya nakita ang ama na nakahandusay at duguan sa sahig. Dinala ang bangkay ng biktima sa PNP Crime Laboratory para ma-autopsy habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

comments