Home » Opinion » Ano gagawin sa kending isinukli?

Ano gagawin sa kending isinukli?

By: Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,
May binili ako sa misis ko na bagong blouse. Nahuli ng misis ko na sinusuot ito ng maid namin. Ano ba ang dapat kong gawin?

Remy ng Guadalupe

Hi Remy,
Puntahan mo ang maid niyo. Pasuot mo ulit yung blouse. Kapag mas bagay sa kanya, ibigay mo na lang sa maid niyo.

Misis mo na lang ang mag-adjust!

Hi Alex,
Medyo may kalumaan na ang sasakyan ko pero madalas ko pa rin itong gamitin. Ano ba ang dapat gawin kapag nawala ang brake ng sasakyan ko?

Paul ng Recto

Hi Paul,
I-report mo agad sa pulis para mahuli kung sino ang nagnakaw ng brake mo! Matagal ng problema yan!

Madalas manakawan ng brake eh mga truck na bigla ka na lang aararuhin sa likod at ang idadahilan eh nawalan sila ng brake!

Bago niyo paandarin, tignan niyo muna kung may brake pa kayo! Sana mahuli na yang mga magnanakaw ng brake!

Hi Alex,

Matagal ng palaisipan sa akin kung bakit si Tatay ang haligi ng tahanan at si Nanay ang ilaw ng tahanan? Ano po ba ang paliwanag dito?

Martin ng Palanan

Hi Martin,
Si Tatay ang haligi ng tahanan dahil ang haligi ay gawa sa dos-por-dos. Kapag matigas ang ulo mo at hindi ka nakikinig kay Tatay, hahambalusin ka ng dos-por-dos!

Bakit naman ilaw ng tahanan si Nanay? Dahil kapag matigas ang ulo mo, madali siyang mapundi!

At kapag napundi siya, hihiramin niya ang dos-por-dos ni Tatay at ihahambalos sa’yo! Huwag kang mag-alala, minsan, si Tatay mismo ang dahilan ng pagkapundi niya kaya nahahambalus din ang Tatay mo!

Hi Alex,
Lagi akong sumasakay sa jeep kapag papasok ako sa opisina. Madalas kapag nagbabayad ako, ang sinusukli sa akin ay kendi dahil wala raw silang barya!

Ang dami ko nang naiipon na kendi dahil araw-araw akong sumasakay sa jeep! Ano ba ang dapat kong gawin para matigil na ‘to?

Juvy ng Bacood

Hi Juvy,
Dahil araw-araw ka naman sumasakay ng jeep, ipunin mo ang kendi na sinusukli sa’yo. Kapag sumakay ka ulit ng jeep, kendi ang ipambayad mo! Sabihin mo wala ka ring barya!

* * *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com or facebook/twitter/instagram:
alexcalleja1007.

comments