Home » Entertainment » ‘Wala po akong inaagawan ng trabaho’ – Dave Bornea

‘Wala po akong inaagawan ng trabaho’ – Dave Bornea

By: Ruel J. Mendoza

KAHIT na hindi pinalad na makapasok bilang isa sa Final 14 ng “Starstruck 6” ang Kapuso hunk na si Dave Bornea, daig pa raw niya ang winner ng naturang reality artista-search contest na si Migo Adecer sa rami ng trabaho.

Dahil sa sunud-sunod na trabahong dumarating, pinagbubutihan daw ni Dave para hindi siya mapahiya.

“Nagpapasalamat po ako na maraming blessings na dumating sa akin.

“Dati po, worried ako na baka wala akong panggastos sa buwan na dara-ting. Ngayon hindi na ako kinakabahan.

“Ang dapat ko lang gawin ay mas maging masipag po ako at ipakita na seryoso ako at kaya ko ang trabahong pinagkatiwala nila sa akin,” ngiti pa niya.

Pagkatapos mapanood sa “Meant To Be” si Dave, muli siyang sinama sa pagbabalik ng primetime action teleserye na “Alyas Robin Hood.”

Hindi ba nakakaramdam si Dave na may mga naiinggit sa kanya, lalo na mula sa batch niya sa “Starstruck 6,” dahil parang siya ang mas pinapaboran?

“Sana po wala namang ganyan. Lahat ng ginagawa ko po ngayon, binibigay din po sa akin.

“At wala po akong inaagawan ng trabaho. Kaya walang dapat na magalit sa akin or mainggit.

“Lahat naman ng mga nakasabay ko po sa ‘Starstruck,’ lalo na ang mga kasama ko sa ‘One Up’ ngayon, kapatid ang turing ko. Nagtutulungan po kami. We support one another po.

“Sila ang pamilya ko dito sa Manila kasi nasa Cebu ang family ko.

“Kaya walang inggitan sa magkakapatid, ‘di ba?” diin pa niya.

Sa “Alyas Robin Hood” ay magkatambal ulit sila ng teen actress na si Lindsay de Vera.

“Marami raw kasing nabitin sa loveteam namin ni Lindsay, kaya itutuloy namin ito sa season 2.”

Inamin ni Dave na hindi siya nagkaroon ng pagkakataon noon na makilala ng husto si Lindsay. Noong first season kasi, di naman kami madalas makapagkuwentuhan din. Minsan ‘di kami pareho ng mga eksena ni Lindsay.

“Pero paminsan-minsan, nagme-message kami sa isa’t isa. Kumustahan lang naman.

“Mas gusto kong makilala si Lindsay sa pagkakataong ito,” pagtapos pa ni Dave Bornea.

comments