Home » Headlines » Butcher kinatay ng kainuman

Butcher kinatay ng kainuman

By: Alexandria Dennise San Juan

Patay ang isang butcher nang suntukin at pagsasaksakin ng kaniyang kainuman sa Quezon City noong Biyernes ng hapon.

Binawian ng buhay si Peter Mike Saysi, 32, habang ginagamot sa Quezon City General Hospital dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan.

Base sa initial investigation, nakipag-inuman si Saysi sa kaniyang pinsan na si Rommel Nacor at dalawang suspek na sina Jerry at Joey Placiente sa loob ng inuupahan nilang bahay sa Insurance Street, Project 8, Barangay Sangandaan, dakong 5 p.m.

Sa gitna ng kanilang pagsasaya, nabanggit ni Saysi ang tungkol sa pagkamatay ng kaniyang pinsan na ikinainis ng dalawang suspek.

Sa kainitan ng pagtatalo ng tatlo, sinuntok ni Joey si Saysi sa mukha. Dahil sa takot, tumakbo palabas ng bahay ang biktima ngunit hinabol siya ng dalawa at inundayan ng sunod-sunod na saksak.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang dalawang suspek na tumakas matapos ang insidente.

comments