Home » Opinion » Matalino ang langgam

Matalino ang langgam

By: Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,
Dahil sa sobrang traffic ngayon, balak ko sana bumili ng motor. Napansin ko kasi na mas makakalusot ka sa traffic kapag nagmotor ka. Tama po ba na bumili ako ng motor?

Terry ng Bagong Ilog, Pasig

Hi Terry,
Mabilis nga ang motor makalusot sa traffic pero handa ka ba na harapin ang mga ganitong sitwasyon:

1. Kapag umulan, tatambay ka sa ilalim ng tulay.

2. Amoy usok ka dahil masasalo mo lahat ng tambutso.

3. Lagi kang papatigilin sa check point.

4. Kapag may umangkas sa’yo, riding-in-tandem agad ang tingin sa’yo!

Handa ka ba Terry?

Hi Alex,
Mabilis langgamin ang ulam namin kapag naiwan naming sa lamesa. Wala naman kaming refrigerator dahil mahirap lang kami. Kahit lagyan namin ng tubig ang paligid ng plato ay nakakakita pa rin ng paraan ang mga langgam sa bahay namin.

Ano kaya ang magandang solusyon.

Lito ng Payatas, Quezon City

Hi Lito,
Mukhang matalino ang mga langgam sa bahay niyo. Ganito ang gawin mo. Kapag mag-iiwan ka ng ulam sa mesa, lagyan mo ng papel na may nakalagay na ‘ASIN’. Dahil matatalino ang langgam niyo, babasahin nila yun. Ayaw ng langgam ng asin.

Pero kapag linanggam pa rin, hulihin mo ang isang langgam, gulpihin mo, tapos pakawalan mo! Takutin mo na kapag bumalik pa siya, uubusin mo pamilya niya! Hindi na babalik yun!

Hi Alex,
Madalas po akong pumupunta sa mga probinsiya at sa ibang bansa dahil kailangan ito sa trabaho ko. Dahil dito ay madalas akong sumakay sa eroplano. Ano po ba ang mas delikado sa eroplano, ang take-off o ang landing?

Gian ng Carmona, Cavite

Hi Gian,
Mas delikado kapag bumagsak ang eroplano!

Hi Alex,
Madalas ang sunog dito sa lugar namin. Medyo nag-aalala na ako na baka masunog ang bahay namin. Pero kung saka-sakaling masunugan kami, ano ba ang una kong gamit na ililigtas?

Waldo ng Maysilo

Hi Waldo,
Wala ka bang kasamang mahal sa buhay sa bahay mo? Hindi kaya dapat sila muna ang iligtas mo kesa gamit sa bahay niyo!

Uunahin mo pa ang TV kesa nanay mo! Wag kang magpapakita sa akin at susunugin kita!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

comments