Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » 2 bata nasawi sa Quezon fire

2 bata nasawi sa Quezon fire

By: Danny J. Estacio

DOLORES, Quezon – Dalawang magkapatid na edad pito at walo ang nasawi habang isa pa ang sugatan nang ma-trapped sa nasusunog nilang bahay sa Sitio Bana, Barangay Bulakin 2, sa bayang ito noong Sabado ng gabi.

Ayon sa police report, namatay ang magkapatid na sina Joshua Diaz Plata, 7, at Dave, 5; habang nakaligtas naman ang kapatid nilang si Christian Vargas Plata, 22, na nagtamo ng mga paso sa katawan.

Napag-alaman na natutulog ang magkakapatid na Plata dakong 11 p.m. nang sumiklab ang sunog dulot na sindidong kandila sa loob ng kanilang tahanan.

Base sa initial investigation, hindi na nakalabas ng bahay ang dalawang magkapatid nang magsimulang kumalat ang apoy sa buong kabahayan. Nagawa namang makatakbo ni Christian palabas at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Agad na rumesponde ang mga tao sa lugar ngunit huli na para mailigtas ang magkapatid dahil tuluyan nang nilamon ng apoy ang kanilang bahay na gawa lamang sa sawali.

Naapula ng mga bumbero mula sa Bureau of Fire Protection (BFP)-Dolores ang sunog dakong 11:30 p.m.

Ayon sa report, wala sa bahay ang magulang ng mga biktima nang maganap ang sunog.

comments