Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Kayo na lang ang mag-adjust

Kayo na lang ang mag-adjust

By: Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,
Kakatapos lang ng birthday ko at niregaluhan ako misis ko ng t-shirt na ang sagwa na ng kulay, ang sikip pa sa akin.

Sinabi ko naman sa misis ko ito pero kailangan ko raw suotin ito dahil regala niya raw ito. Sasama raw ang loob niya kapag hindi ko raw ito sinuot. Pinagbigay ko siya para maiwasan ang gulo pero ng nakita ng kaibigan ko na suot-suot ko, pinagtawanan nila ako. Ang daming tumutukso sa akin, kaibigan ko pa ang mga iyon ha, malamang mas lalo kung ibang tao. Ano kaya ang gagawin ko para hindi ko na maisuot ulit ang t-shirt na regalo sa akin ng asawa ko?

Meynard ng Pasay

Hi Meynard,
Madali lang yan! Reagaluhan mo rin ang misis mo ng blouse na masikip sa kanya at masagwa rin ang kulay! Tapos sabihin mo na kailangan isuot niya rin dahil magtatampo ka. Kapag hindi niya sinuot, wag mo na rin isuot ang regalo niya. Kapag sinuot niya, at least dalawa kayong tinutukso at pinagtatawanan!

Hi Alex,
May kaibigan ako na ang lakas ng putok! Sobrang lakas na kahit malayo siya, alam mong paparating na siya dahil maamoy mo na ang putok niya. Sinabihan na naming siyang magkakaibigan na malakas ang putok niya pero ayaw maniwala! Akala, niloloko namin siya. Ganun nga raw ata talaga, hindi mo maaamoy ang sarili mo kung may putok ka. Pinapagamit namin ng tawas at deodorant pero ayaw niya dahil sensitive daw ang balat niya! Ang problema, ang hilig umakbay ng kaibigan ko kaya dumidikit sa balikat ko ang putok niya. Ano po ba ang dapat naming gawin?

Junie ng Malabon

Hi Junie,
Kung ayaw maglagay ng kaibigan mong may putok ng tawas o deodorant sa kili-kili niya dahil sensitive ang balat niya, kayo na lang ang mag-adjust. Ang gawin niya dahil mahilig siyang umakbay sa balikat niyo kaya nagkakaputok kayo sa balikat, yung balikat niyo ang punasan niyo ng tawas o deodorant. Kapag nakita niya na ginagawa niyo ito, siguro naman makakahalata na siya na malala na ang putok niya!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

comments