Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Utakan lang yan

Utakan lang yan

By: Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,
Paano ko ba pagsasabihan ang anak ko na napakatigas ng ulo. Lagi kong binibilin na kapag sumisinga siya ng sipon, wag gagamitin ang damit niya. Nagrereklamo na ang katulong namin. Minsan, hindi lang sa damit, pati medyas at kumot, sinisingahan din niya. Ilang beses ko ng pinagsasabihan pero paulit-ulit ginagawa. Ano ba ang dapat kong gawin?

Myla ng Caloocan

Hi Myla,
Bago kita sagutin, ilang taon na ba yang anak mo? Bakit ko naitanong, kasi kung nagbibinata yan, paycheck mo muna sa katulong mo kung sipon pa ba ang pinupunas? Paamoy mo, kapag amoy Clorox, aba, iba na yan! Ngayon, kung hindi siya binata, hindi ko proproblemahin kung bakit madalas siyang sumisinga sa mga damit o kumot niyo. Ang problema ko, bakit hindi nawawala ang sipon ng anak mo! Pa-check-up mo! Kasi kung wala na siyang sipon, wala ka ng problema!

Hi Alex,
Ang hirap sumakay ng taxi! Hanggang ngayon, namimili pa rin ang mga taxi drivers! Ang daming mga palusot, traffic, pagarahe na, kakain muna, sira ang metro, sira ang taxi, lahat na halos ng palusot ginagamit! At kapag sinakay ka naman, halatang napilitan lang! Ang matindi, kapag nagbabayad ka, kadalasan, walang panukli! Minsan, ang metro ko eh 65 pesos lang! Isang daan ang binayad ko, wala daw panukli! Wala akong nagawa kungdi bumaba na lang at hindi ko na kinuha ang sukli ko. Ano kaya ang dapat kong gawin sa susunod na walang panukli ang taxi na nasakyan ko?

Pauline ng Quezon City

Hi Pauline,
Sa susunod na walang panukli ang taxi driver, ganito ang gagawin mo! Wag kang bababa! Ubusin mo ang natitira mong sukli! Halimbawa 100 pesos ang binayad mo at 65 pesos lang ang metro mo, ubusin mo sa loob ng taxi ang 35 pesos na natitira. Doon ka maglaba, matulog ka saglit, magplantsa, gumawa ng office work! Lahat gawin mo hanggang maubos mo ang natitirang sukli! Ngayon kapag gusto mo pa mag-extend, dagdagan mo ang bayad mo! Wag kang bababa hanggang hindi mo nauubos ang sukli mo! Utakan lang yan!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

comments