Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Makuha ka sa tingin

Makuha ka sa tingin

by Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!


Hi Alex,

May girlfriend po ako at napakaselosa niya. Kapag naglalakad kami at napatingin ako sa magandang babae, nagseselos siya at inaaway ako. Eh ang problema, hindi ko talaga maiwasan tumingin sa mga nakakasalubong naming babae lalo na kung maganda at sexy. Iba kasi talaga ang mga babae kapag naglakad, ang gandang tignan, lalo na kung naka-short o naka-mini skirt. Paano ba ang gagawin ko para hindi magselos ang girlfriend ko kapag napatingin ako sa makakasalubong naming babae.

Ferds ng Sta. Cruz

Hi Ferds,

Ang solusyon sa problema mo ay ang tinatawag nating reverse psychology. Alam na nating selosa ang girlfriend mo, hindi na natin mababago yan. Alam na rin natin na mahilig kang tumingin sa babae, hindi na rin natin mababago yan. Ganito na lang ang gagawin natin. Kapag may nakasalubong kang magandang babae, tumingin ka pa rin, pero maghanap ka ng ipipintas. Yung makikita mong kapintasan ng babaeng nakasalubong niyo, i-share mo sa girlfriend mo! Gustong-gusto ng babae yan, ang pintasan ang kapwa babae. Mag-isip ka ng ipipintas: makapal ang make-up, pangit ang buhok, ang sagwa ng suot. Gawin niyong hobby yan, ang mamintas ng makakasalubong. Solve na ang problema mo!


Hi Alex,

Madalas akong may makasabay na kakilala sa pampasaherong jeep. Kapag nakakasabay ko ang mga kakilala ko, ugali ko ang ilibre sila ng pamasahe. High school student pa lang kaya madalas, nauubos ko ang baon ko sa school dahil naipambabayad ko sa pamasahe sa jeep ng mga nakakasabay ko. Nakakahalata na nga ako na binabagalan nila ang pagbunot ng pera para mauna ako at maibayad ko sila. Ano po ba ang gagawin ko?

Dindo ng Tarlac

Hi Dindo,

Malamang binibiktima ka talaga ng mga nakakasabay mong kaibigan dahil alam nila na ibabayad mo sila. Ganito ang gawin mo. Pagsakay mo sa jeep, pumikit ka agad at magtulog-tulugan. Wag kang didilat hanggang hindi mo sila nakikitang magbayad. Kapag ginising ka pa nila para ibayad mo sila, aba, ibang usapan nay an! Ang kakapal na ng mukha nila! Effective din ang pagtulog sa jeep para iwas holdap. Takot ang mga holdaper sa natutulog, baka kapag ginising nila, maalimpungatan! May kasabihang ‘Mangholdap ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising!’


Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

comments