Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Best New Year’s resolution

Best New Year’s resolution

by Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!


Hi Alex,

Ano ba ang pinakamagandang New Year’s resolution ang maipapayo mo sa akin na gawin para sa taong 2018?

Joan ng Quezon City

Hi Joan,

Huwag kang gumawa ng New Year’s resolution, ‘yan ang payo ko sayo!


Hi Alex,

Sa dami ng handaan na pinuntahan ko ng nakaraang Pasko at Bagong Taon, tumaba ako! Gusto kong pumayat! Ano ba ang effective na paraan para pumayat?

Nelly ng Pasay City

Hi Nelly,

Hindi ko sasabihin sa’yo! Hahayaan ko munang mapansin yan ng mga kapamilya at kaibigan mo! Ang lagay eh nagpakasarap ka ng Pasko at Bagong Taon tapos gusto mo, ganun ganun na lang!

Sumulat ka ulit sa February saka ko ibibigay sa’yo ang sagot sa tanong mo!


Hi Alex,

Bakit ang Tatlong Hari, dumating sa sabsaban tapos na ang Pasko at Bagong Taon. Ano ba ang nangyari sa kanila?

Zaldy ng Taytay

Hi Zaldy,

Marami ang pwedeng nangyari sa Tatlong Hari habang hinahanap nila ang sabsaban.

Una, pwedeng naligaw sila kasi ang sinusundan nila eh isang tala. Wala pang Waze nun. Paano kung umulan at maulap, syempre hindi nila makikita ang tala.

Kapag sa umaga, hindi din nila makikita ang tala. Kaya marami silang stopover. Lalo silang nalito ng inabot sila ng Bagong Taon. Madami kasi ang fireworks nun at nalito sila kung ang sinusundan nila yung tala o kwitis lang.

Pangalawa, pwede din na nagkasamaan sila ng loob kaya nagkahiwa-hiwalay. Remember, Tatlong Hari sila, pwedeng ma-pride at hindi sila nagpapatalo kaya nag-aaway sila.

Boyband nga nagdidisband eh sila pa kaya! Parang ONE DIRECTION!


Hi Alex,

May prediction ba kayo ngayong taong 2018?

Mila ng La Loma

Hi Mila,

Siguradong may bagyo na papasok sa Pilipinas. May lindol na magaganap sa loob at labas ng Pilipinas. May mamamatay, may ipapanganak. May artistang mabubuntis, may artistang malalaos, at meron ding sisikat.

May mag-aaway na politico, may magkakabati. Bakit ko alam ito, dahil taon-taon naman, ganito talaga ang nangyayari sa buong mundo! Hindi mo kailangan maging manghuhula para malaman ito! Hindi na kailangan ng cards at bolang crystal, common sense lang!


Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com o facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.

comments