Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Sekyu natagpuang patay

Sekyu natagpuang patay

By Erwin Beleo

BAUANG, La Union – Duguan at wala nang buhay ang isang 48-anyos na security guard ng warehouse dito nang matagpuan siya Lunes ng umaga ng isang kasamahan.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Ricardo F. Sarmiento.

Natagpuan ang kanyang labi sa loob ng comfort room ng warehouse na kanyang binabantayan sa Barangay Acao ni Onofre F. Valdez, 55, kapwa niya security guard.

Ayon kay Valdez hinanap niya si Sarmiento pagkadating niya sa warehouse bandang alas-6 ng umaga upang palitan ito.

Nagulat na lamang siya nang makita itong duguan sa loob ng comfort room.

Sa imbestigasyon, napagalamang namatay si Sarmiento sanhi ng ilang saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Robbery ang tinitignang motibo ng pulis makaraang madiskubreng pinakialaman ang vault ng warehouse.

Ayon sa pulisya, pilit binuksan ng mga kawatan ang vault gamit ang acetylene torch nguni’t hindi sila nagtagumpay.

Sinira rin ng mga salarin ang closed-circuit television (CCTV) cameras sa warehouse.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

comments