Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Nanlaban na pusher, patay

Nanlaban na pusher, patay

By Danny J. Estacio

CALAMBA CITY, Laguna – Patay ang isang drug suspek rito Lunes ng hapon makaraan diumano ito manlaban sa pulisya.

Kinilala ang nasawi na si Cris Pantaleon, alias Ompong, 26, residente ng Pulong-Ipot, Purok 6, Barangay Pansol.

Sugatan naman ang kasabwat niya na si Harrizon San Valentin Luna, 31.

Ayon kay Senior Superintendent Dindo Reyes, Laguna Provincial police acting director, nangyari ang barilan bandang alas-3 ng hapon.

Una na ng kinontrata si Pantaleon ng mga undercover agents na nagpanggap na bibili ng droga.

Naunsyami ang bentahan ng matunugan ni Pantaleon na pulis ang katransaksyon niya.

Bumunot umano ito ng baril at pinutukan ang mga operatiba habang tumatakbo palayo.

Natamaan ni Pantaleon ang isa sa mga pulis na si PO1 Randolf Hizon, nguni’t bigo siyang makatakas matapos siyang paulanan ng bala ng mga pulis.

Tinamaan din si Luna sa insidente nguni’t nakatakas ito. Natunton din siya di kalaunan sa Calamba Medical Center, kung saan dinala ng mga kabaro niya si Hizon.

Nakumpiska sa bangkay ni Pantaleon ang isang .9MM at dalawang sachet ng shabu.

comments