Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Magpanty ka sa ulo

Magpanty ka sa ulo

by Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!


Hi Alex,

Ang taas na ng presyo ng mga bilihin. Ang taas na naman ng presyo ng mga petrolyo. Kaya naman nag-iisip ako ng paraan para makatipid. Isa sa mga naiisip ko ay ang pagtitipid sa kuryente. Mabibigyan mo ba ako ng mga tips para makatipid sa kuryente?

Maika ng Makati

Hi Maika,

Simple lang ang paraan para makatipid. Bawasan niyo lang ang pagamit ng mga appliances na gumagamit ng kuryente. Pero ang pinaka-simpleng paraan, jumper! Gumamit ka ng jumper para hindi ka na mag-iisip kung paano makatipid sa kuryente! Kapag nahuli, mas lalo kang makakatipid dahil libre ang lahat sa loob ng kulungan!


Hi Alex,

Madalas po ako magpakulot kasi straight na straight ang buhok ko. Pero makalipas lang ang ilang araw, nagiging straight ulit. Lahat na klase ng pangkulot, sinubukan ko na! May mumurahin, may sobrang mahal. Lahat halos ng parlor sa buong Pilipinas, nagpakulot na ako pero bumabalik din agad sa straight ang buhok ko! May alam ba kayong paraan para kumulot na talaga ang buhok ko?

Tanya ng Dagupan

Hi Tanya,

Maraming mga babae na gusto ang buhok nila, straight na straight. Pero sa kaso mo, gusto mo kulot. May isa akong effective na paraan para maging kulot ang buhok mo. Magsuot ka ng panty sa ulo mo araw-araw. Panigurado, kukulot yang buhok mo. Ayaw mo maniwala, may pruweba ako! Silipin mo yung suot mong panty ngayon, ano nakikita mo? Diba kulot na buhok? Kaya subukan mo rin! Magpanty ka sa ulo araw-araw! Walang mawawala!


Hi Alex,

Madalas akong pumaparada sa labas ng bahay namin. Hindi naman bago ang aking kotse kaya panatag ako na walang magkaka-interest na magnanakaw. Nagkamali ako, nung isang araw, ninakaw ang side mirror ko. Dalawang side mirror ko ang ninakaw. Ang problema ko ngayon, hindi ko alam kung may mabibili akong side mirror kasi may kalumaan na ang kotse ko. Saan kaya ako makakabili ng side mirror para sa kotse ko?

Arman ng Marikina

Hi Arman,

Hindi mo kailangang lumayo! Maglagay ka lang ng paskil sa labas ng bahay niyo na naghahanap ka ng side mirror, may pupunta sa inyo! Wag kang magulat kung sakto ang side mirror na ibebenta sa’yo. Alam mo kung bakit? Siya ang tumira ng side mirror mo.


Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

comments