Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Magpakulong ka na

Magpakulong ka na

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng maba­basa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,

Sampung taon na po akong may asawa. Minsan po ay umalis kami ng mga kaibigan ko at nagpunta sa isang bar. Nakakilala po ako ng isang babae dun. Nagkaroon kami ng affair na tumagal ng isang taon. Wala pong alam ang misis ko dito. Kahapon po, habang nanunuod kami ng sine ng babae ko ay nasalubong namin ang kaibigan ng misis ko. Siguradong nakita niya ako kasi binati pa niya ako. Makakarating kaya ito sa misis ko?

Dindo ng West Avenue

Hi Dindo,

Nagtanong ka pa! Makakarating yan panigurado! Ang mga babae, may kulto yan! Siguradong pinagplaplanuhan ka na ngayon! Magpakalayo-layo ka na! Kumuha ka ng insurance! Daig mo pa ang drug lord! Delikado na ang buhay mo. Kung ako sa’yo, magpakulong ka na! Mas ligtas ka sa kulungan kasama ang mga pinakamasasamang criminal kesa umuwi ka bahay!

Hi Alex,

Matagal na akong kinukulit ng mister ko na magpalaki ng boobs. Maganda raw sa babae ang malaki ang hinaharap. Matagal na raw siyang nagtitiis sa maliit kong boobs! Handa raw siyang gumastos basta pumayag raw ako. Ayaw ko dahil natatakot ako. Saka mas gusto ko natural. Ano ba ang gagawin ko para tumigil sa kakakulit ang mister ko.

Bambi ng Paranaque

Hi Bambi,

Sabihin mo sa mister mo na kung gusto niya, sabay kayo. Magpapalaki ka ng hinaharap, magpapalaki rin siya ng birdie niya. Sabihin mo matagal ka na ring nagtitiis sa maliit niyang birdie! Titigil sa kakakulit yan!

Hi Alex,

Bakit may mga salamin na gwapo ako at may mga salamin na pangit ako?

Sol ng Pasay

Hi Sol,

Bilangin mo yung mga salamin na gwapo ka at bilangin mo ang mga salamin na pangit ka. Kung ano ang mas marami, yun ang totoo mong itsura!

Hi Alex,

Mahilig ako kumain ng ice cream. Ice cream sa umaga, ice cream sa tanghali, at ice cream sa gabi. Minsan may pahabol pang ice cream sa hatinggabi. Napansin ko po na tumataba ako. Nakakataba po ba ang ice cream?

Che ng San Juan

Hi Che,

Susmaryosep! Hindi nakakataba ang ice cream kung minsan mo lang siya kakainin! Pero dahil sa daming beses na kinakain mo sa siya sa isang araw, tataba ka talaga! Nagtaka ka pa!

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com

facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007

-Alex Calleja

comments