By MELL T. NAVARRO
PUMANAW na ang batikang direktor ng pelikula si Mike Relon Makiling kahapon, Oct. 11, bandang 2:30 ng madaling araw, sanhi ng sakit na colon cancer. Siya ay 86 years old.
Beterano si Direk Mike sa hindi mabilang na blockbuster comedies na isinulat at idinirehe niya mula pa noong 1970s. Ilang dekada rin siyang namayagpag.
Ipinanganak noong June 30, 1932 at nagkaroon ng walong anak. Ayon sa internet, 89 ang title credits niyang bilang isang direktor, at 58 credits bilang screenwriter.
Ayon sa pag-chat namin sa ikalimang anak niyang si Joachim Makiling (may palayaw na Jack), nakalagak ang mga labi ng kanyang dakilang ama sa kanilang tahanan sa # 1008 Roxas Street, Balic-Balic, Sampaloc, Manila.
Malamang daw na sa Oct. 16 ang libing.
Kuwento ni Jack na anak ni Direk Mike: “Noong July 2018 po ang huling pagka-confine ni tatay sa ospital. Doon lang po namin nalaman na may colon cancer siya.
“Mula noon, nagkaroon na siya ng maraming complications tulad ng liver cirrhosis. Pero talagang ayaw po niyang malagyan ng NGT (nasogastric tube), at aang personal po niyang bilin ay ‘no heroic measures,’ meaning no to life support).
“Kaya nilabas na po siya sa ospital. Pagdating lang sa bahay noong Oct. 10, comatose na siya at binawian na ng buhay nu’ng madaling araw.”
Puwedeng sabihing walang Tito, Vic, and Joey kung walang Direk Mike Relon Makiling – dahil sa napakaraming pelikula ng TVJ trio na siya ang nag-direk (at sumulat ng ibang scripts), at karamihan sa mga ito ay pumatok sa takilya at tinangkilik ng masang Pinoy.
Kabilang rito ang “Iskul Bukol” (1980), “Mr. One-Two-Three”, “Age Doesn’t Matter” (1981), “Palpak Connection” (1981), “Mag-Toning Muna Tayo” (1981), “Tartan” (1981), “Goodah” (1984), “Give Me Five!” (1984), “Working Boys” (1985).
Nandiyan rin ang other TVJ hits tulad ng “Mama Said, Papa Said, I Love You” (1985), “Ma’am May We Go Out?” (1985), “Send In The Clowns” (1986), “Ready, Aim, Fire” (1987), “Fly Me To The Moon” (1988), at “Doctor, Doctor, We Are Sick” (1985), which also starred Vilma Santos.
Ang iba pa niyang memorable comedy flicks ay ang “Mang Kepweng” series ni Chiquito, at nakatatlo rin siya with Comedy King Dolphy for – “Bakit Kinagat Ni Adan Ang Mansanas Ni Eba?” (1988), “Black Magic” (1987), at “May Pulis, May Pulis Sa Ilalim Ng Tulay” (1989).
Nandiyan rin ang mga unforgettable Roderick Paulate comedies tulad ng “Kumander Gringa” (1987) with Richard Gomez, “Last Two Minutes” (1989) with Alvin Patrimonio, at “Ako Si Kiko, Ako Si Kikay” (1987).
Ang huli niyang pelikula ay ang “Dalaginding” in 2002 starring Eddie Gutierrez, Nina Lopez, Halina Perez, and Elizabeth Oropesa.
Ang amin pong taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Direk Mike.