ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Mahilig ako kumain. Lahat ng pagkain gusto ko kainin. Hindi ko iniintindi kung masama ito sa katawan, basta gutom ako, kakain ako. Pero lately, naiisip ko, baka masama ang sobrang pagkain. Baka may mga pagkain na dapat na akong iwasan o kaya bawasan. Nagpablood pressure kasi ako at may high blood na ako. Kaya iiwas ako sa mga pagkaing nakaka-high blood. Ano ba ang mga pagkain ang nagdudulot ng high blood?
Ines ng Puerto Princesa
Hi Ines,
Kumain ka lang ng kumain. Mas nakaka-high blood kapag wala kang pambili ng pagkain!
* * *
Hi Alex,
Dumadalas na ang ulan dahil tag-ulan na. Kapag umuulan, masarap kumain at matulog! Bakit ba masarap kumain at matulog kapag umuulan?
Dante ng Quiapo
Hi Dante,
Eh hindi ka kasi makalabas ng bahay. Kapag nasa bahay ka, wala kang ibang gagawin kungdi matulog at kumain. Alangan naman makipag-away ka o kaya mag-sayaw ka. Kapag nagsayaw ka, mapapagod ka kaya matutulog ka. Kapag nanuod ka ng TV, gugutumin ka o kaya aantukin ka. Kapag nakaipag-away ka, kapag nasuntok ka, makakatulog ka. O kaya, kakain ka ng suntok at tadyak. Lahat talaga papunta sa pagkain o pagtulog! Wag ka lang mag-shabu kapag umuulan dahil hindi ka makakakain at hindi ka makakatulog!
* * *
Hi Alex,
Lahat ng artista kapag nasa TV, mukhang mataba. Kapag nakita mo sa personal, payat lang. Si Anne Curtis, kapag napapanuod ko sa It’s Showtime, akala mo ang laking tao! Nasalubong ko sa mall, ang liit ng mukha at ang sexy! Ano po ang paliwanag dito Tito Alex?
Selina ng San Pedro
Hi Selina,
Mataba ang artista sa TV kesa sa personal kasi nakakataba ng 5 kilos ang camera. Hindi nila kinakain ang camera kaya sila tumataba ha, wag pilosopo! Ang ibig kong sabihin, kapag sa camera lumalabas ang mga artista, nagdadagdag ng 5 kilos kaya mukha silang mataba! Kaya lahat ng mataba sa TV, payat talaga sila sa personal. Kapag payat ka sa TV, mas payat ka sa personal! Kapag sobrang payat mo sa TV, hindi ka na makikita sa personal!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007