HINIRANG na “Ultim8” Big Winner ang “Iskulit Bai ng Bohol” na si Yamyam Gucong sa engrandeng ikalawang gabi ng big night ng “Pinoy Big Brother: Otso” ng ABS-CBN na ginanap sa AATF Sports Complex, Imus Cavite nitong nakaraang Linggo.
Nang tawagin ang pangalan ni Yamyam as first placer, dumagundong ang buong gym sa kahihiyaw ng mga supporters niya.
Walang tigil sa kaiiyak sa sobrang tuwa ang Boholeño dahil natupad na ang kanyang pangarap.
Halatang hindi makapaniwala si Yamyam sa kanyang pagkakapanalo. Kagaya nga ng sinabi niya punung-puno siya ng pangarap at pag-asa para sa kanyang pamilya.
Napanalunan ni Yamyam ang P2,000,000 cash, condominium unit, water refilling station business package worth P800,000 and travel package worth P300,000.
Natanong ng show host na si Toni Gonzaga kung ano ang pakiramdam ni Yamyam na natupad na ang pangarap niya para sa pamilya niya.
Sagot niya, “Thank you so much po sa inyo. Maraming maraming salamat po, sobrang saya ko po ngayong gabi dahil nasa inyong harapan ang ultimate big winner na si Yamyam. Napatunayan ko na sa aking sarili kahit sa kahirapan kaya nating bumangon sa buhay. Kaya nating humarap sa kahit anumang hamon sa buhay. Maraming maraming salamat dahil hindi po ako nagiisa kasama ko po si Kuya, si God, at yung pamilya ko, at kayong lahat.”
Bago pa man nanalo si Yamyam, natanong ito ni Boy Abunda kung ano ang pipiliin niya, maging guro o maging artista?
“Maging guro na artista,” ani Yamyam habang tumatawa.
58.52 percent ng final text votes mula sa publiko ang ikinapanalo ni Yamyam.
Ironically, sa ayos ng kanilang pagkakaupo sa loob bago tawagin ang mga winners ganoon din ang naging placing ng pagkakapanalo nila.
Samantala, nakausap naman ni Melai Cantiveros ang butihing ina ni Yamyam habang nasa audience ito. Tinanong niya kung ano ang pakiramdam at ultimate big winner ang kanyang anak.
Tinagalog ni Melai ang sagot ng ina ni Yamyam dahil sa Bisaya niya ito sinagot. Sobrang saya at laki ng saya raw nito at nagpapasalamat siya sa Diyos at sa mga supporters ng anak niya.
Ang mga iba pang nanalo sa “Pinoy Big Brother: Otso” ay sina Kiara Takahashi, 2nd Big Placer; Lou Yanong, 3rd Big Placer; Andre Brouillette, 4th Big Placer; Fumiya Sankai, 5th Big Placer; Lie Reposposa, 6th Big Placer; Ashley Del Mundo, 7th Big Placer; at Kaori Vinuma, 8th Big Placer. (DANTE A. LAGANA)