ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Bwisit na bwusit ako sa mister ko! Kapag inuutusan ko, lagi na lang akong sinasagot ng ‘sandali lang, may tatapusin lang ako’! Kapag kinakausap ko, lagi na lang akong sinasagot ng ‘sandali lang, may tatapusin lang ako’. Lagi na lang ganun ang sagot sa akin! Mula ng kinasal kami at nagkaroon na ng tatlong anak, ganun lagi ang sinasagot niya! Bakit ganun palagi ang sagot sa akin ng mister ko?
Divine ng Malabon
Hi Divine,
Sasagutin ko ang tanong mo pero sandali lang ha, may tatapusin lang ako.
Hi Alex,
Ang daming mga kotse ang dumadaan sa tapat ng bahay namin at puro maiingay ang tambutso. Minsan sunod-sunod pa sila. Ang problema eh madalas silang dumaan sa hating-gabi kung kelan tulog na kami. Nagigising tuloy ang mga anak ko at nahihirapan na bumalik sa pagtulog. Ano ba ang gagawin ko para matigil na ang mga maiingay na kotse na ‘to?
Carl ng San Juan
Hi Carl,
Maglagay ka ng humps sa tapat ng bahay niyo. Taasan mo. Para marinig mo ang pagsayad ng tambutso nila. Malamang kasi naka-lowered ang mga yan! Maniwala ka, hindi na sila dadaan sa tapat mo. Magiging mahimbing na ang tulog niyong pamilya.
Hi Alex,
Kapag maulan po ay madami ang nadudulas sa tapat namin. Ang nakakainis po ay pinagtatawanan ng mga taong nakakakita. Nakakaawa tuloy ang mga nadudulas. Ano po ba ang gagawin ko para matigil na ‘to?
Eumi ng Mandaluyong
Hi Eumi,
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng sulat mo. Ano ba ang gusto mo matigil, ang pagtawa o ang pagdulas? Ang naiisip ko na solusyon ay ang paglalagay ng paskil o sign. Dalawang paskil o sign ang dapat mong ilagay. Sa lugar na madulas, ito ang ilagay mo na sign – ‘Mag-ingat, madulas, masakit na, pagtatawanan pa!’. Doon naman sa mga may nakatambay, ito ang ilagay mong sign – ‘Wag agad tawanan ang mga madudulas, hintayin munang umalis bago tumawa’. Hindi mo talaga mapipigilan ang ugali ng mga Pinoy na tumawa sa mga nadudulas, bago ito tulungan!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007