ZERO ang love life ni Derrick Monasterio ngayon. Wala na nga raw sila ng napabalitang Fil-Australian beauty queen girlfriend niya na si Kathleen Joy Paton.
Ayaw sabihin ni Derrick ang reason behind the break-up.
“Huwag na lang po. Moving on na po tayo. Naniniwala po ako na kung hindi para sa iyo, hindi mangyayari. Tsaka matagal na rin po iyon. Thank you, next!” tawa pa niya.
Pero may dine-date nab ago si Derrick ngayon, isang modelo.
“Nakaka-three dates pa lang po kami. We’re still getting to know one another. No names po muna. I want to keep things private sa aming dalawa for now.”
Samantala, pahinga muna si Derrick sa team-up nila ni Bea Binene.
Kay Gabbi Garcia muna siya pinartner ng GMA Network sa “Beautiful Justice.”
First time niyang makatrabaho si Gabbi sa isang teleserye at ani Derrick, nadiskubre niya na makulit din ito tulad niya.
“Matagal na po kaming magkakilala ni Gabbi, pero ngayon lang kami nagkasama sa isang TV show. Unang impression ko sa kanya ay yung tahimik at very conservative. Nagulat po ako na ang kulit din pala niya. Kaya mabilis kaming nagkasundo kasi nag-aasaran kami kapag walang take,” ngiti ni Derrick.
Misteryoso ang character ni Derrick sa “Beautiful Justice.” At kahit anong pilit namin ayaw niyang magkwento ukol dito.
“Bawal po ang spoiler! Kung ano ang nakita ninyo sa AVP ng teleserye, hanggang doon muna. May mga twist sa characters namin dito, eh. Yung sa akin, magugulat na lang sila dahil very unexpected,” diin niya. (RUEL J. MENDOZA)