BY RUEL MENDOZA
—-
IDOL na idol pala ng “Wowowin” co-host na si Harlene “Hipon” Budol si Thea Tolentino dahil sa pagiging magaling na kontrabida nito.
Kaya noong magkaroon ng pagkakataon na makalabas si Hipon sa afternoon teleserye na “Madrasta,” hindi niya pinalagpas ang pagkakataon na makahingi ng tips kay Thea kung paano maging isang mahusay na kontrabida.
“Kung pinanggigigilan n’yo po siya sa pinapanood n’yo, sa personal po talagang super bait niya po,” sey ni Hipon tungkol kay Thea.
Ang unang tanong daw ni Hipon kay Thea ay: “Miss Thea, paano po ba maging magaling na kontrabida? Dahil po kayo ‘yung number one maldita dito sa GMA.”
Natatawang sinagot ni Thea ang tanong na ito ni Hipon sa kanya.
“Ilalabas mo lang talaga ‘yung mga hinanaing mo sa buhay. Tapos na imbes na ilabas mo sa totoong buhay, doon mo na lang ilabas sa eksena. Pero siyempre, huwag kayong papatay talaga ng tao,” sey daw sa kanya ni Thea.
Ginawang example ni Thea ang paghagis ng plato at baso sa dingding para mailabas lang ang stress.
Comment ni Hipon: “Pero ang yaman mo ah! Magbabato ka ng mga TV, mga plato. Sa amin, makabasag ka lang ng isang baso, sampal de gulat ka sa nanay mo! Baso lang na tig-sasampung piso, mabasag mo lang ngayon kaltok, kurot na padugo na ‘yung abot mo. Ito pala ‘yung pinaghuhugutan niya.”