Si Marian Rivera ang 2014 calendar girl ng Ginebra San Miguel.Presscon cum launching today nito sa isang boutique-bar restaurant sa QC kung saan ipapakita ang iba’t ibang sexy poses ng Kapuso Primetime Queen para sa GSM calendar.
Global Comedienne
Kung si AiAi delas Alas ang Comedy Concert Queen, Global Comedienne naman si Pokwang. Yes! Gano’n ang pakilala kay Pokwang noong presscon ng “Call Center Girl.” Ano kaya’ng reaction ni AiAi ? Intrigahin ba?
Flattered, pero napi-pressure siya sa bansag na Global Comedienne,ayon kay Pokwang. “ Napaka-impeccable ng kanyang comedic timing at hangang-hanga ako sa flare at luster niya sa comedy,”wika ni Direk Don Cuaresma.
Bahagi pa rin ng 20th anniversary celebration ng Star Cinema ang “Call Center Girl” sa pagsanib-puwersa nito sa Sklylight Films. Ilalarawan dito ang buhay ng mga call center agents. Tampok din sina Jessy Mendiola, Enchong Dee, Ejay Falcon ,John “Sweet” Lapus, Ogie Diaz, Chokoleit, K Brosas,Dianne Medina, Alex Castro at Aaron Villaflor.
Pinilit si direk
Mag-ina ang ginagampanan nina Pokwang at Jessy Mendiola sa “Call Center Girl.” May special participation si Jestoni Alracon bilang ama ni Jessy. Sa presscon, tinukso nina Jessy at Ogie Diaz si Pokwang kay Jestoni. Aligagang-aligaga raw si Pokwang noong kunan ang kissing scene nito with Jestoni.
Nag-mouth wash si Pokwang at kahit daw 2 am ang cut-off time nito, pumayag ito hanggang 8 am. “Pinilit ko talaga si direk na magkaroon kami ng kissing scene ni Jestoni. Crush ko kasi siya. Na-feel ko, totoo ‘yung yakap niya sa akin. Ang arte-arte ko nga (laughs),”ani Pokwang.
Hindi pa siya artista noon ay crush na niya si Jestoni. Galit na galit siya noon kay Rachel Lobangco na kapareha ng aktor sa mga ginawa nilang pelikula sa Seiko Films. Inggit-inggitan si Pokwang kay Rachel.
Naging crush din ni Pokwang ang newscaster na si Henry Omaga Diaz.
Loveless pa rin siya ngayon,ayon kay Pokwang.Pero aniya, masaya naman siya at source of her inspiration ang 20-year old daughter niya na kasing-edad ni Jessy Mendiola. Kaya okey lang na maging anak niya ito sa “Call Center Girl.” Mamang ang tawag sa kanya ni Jessy off-camera.
May tsikang type ligawan ni Ryan Bang ang anak ni Pokwang na aniya, walang problema. “As long as mamahalin niya at hindi niya sasaktan ang anak ko. Or else, ipapariding in tandem ko siya,”maigting na sabi ni Pokwang. Take note, Ryan!
Naudlot
Naudlot ang planong pagbabakasyon abroad ni Enchong Dee. Bigla kasi siyang isinama sa cast ng “Call Center Girl.” “Sino ba naman ako para tumanggi? Eh, trabaho ‘yun. Ang dami diyan, nag-aabang ng trabaho. So, huwag na ako maging choosy, di ba?” lahad ni Enchong.
Monster call center team leader ang role ni Enchong sa “Call Center Girl.” “Sobra ang challenge sa akin na magpatawa ng ibang tao. Ang dami kong natutunan kay mamang (Pokwang). Nag-grow ako bilang isang aktor sa paggawa ng pelikulang ito,”saad ni Enchong.
Showing ang “Call Center Girl” simula sa November 27 sa mga sinehan nationwide.