SUPER kuripot pala ang isang aktor na taga-Bacolod. May nakatsikahan kaming kababayan nito and without us asking tungkol sa aktor, sinabi nitong kuripot ang aktor. Minsang umuwi ito sa Bacolod, kinontrata raw nito ang isang taxi driver para ihatid sa bahay nito mula sa airport.
Prinesyuhan siya ng taxi driver ng P500. Namahalan ang aktor at tumawad pa raw. Dahil kababayan at mabait naman daw ang aktor, pumayag ang taxi driver na bawasan ang singil nito. Ang barat-barat daw pala ng aktor.
Tsika pa ng source tungkol naman sa isang TV host-comedian (TVHC) at sa actor-singer (AS) na kasama nitong nag-show sa Bacolod, paglapag ng mga ito sa airport, maraming fans ang naroon at kinawayan ang TVHC at ang AS. Nagmaasim daw ang TVHC at deadma sa fans. Nakasimangot pa raw ito at tuluy-tuloy sa van na sumundo sa kanila.
‘Yung AS, mabait daw sa fans, nakangiti at panay ang kaway. Nagpa-picture-taking pa ito. Dahil sa pagmamaasim at pagsusungit ng TVHC, nabawasan siya ng fans sa Bacolod. Nadagdagan naman ‘yung sa AS.
Pumapalo na
Base sa mga bagong research data, tumataas na diumano ang viewership ng mga programa ng TV5. Pumapalo na ang ilan sa mga show ng Kapatid Network at consistent ang mga ito sa listahan ng Top 15 programa, kaya naman balitang nagbubunyi ngayon ang TV5.
Maging sa social media ay maingay na maingay na rin ang mga programa ng TV5. Marami sa mga netizen ang aktibo sa pagbabanggit sa kanilang mga paboritong programa, kaya naman madalas makabilang ang mga ito sa trending topics ng Twitter.
Pumasok na
Pumasok na this week sa “Genesis” ang mga karakter nina Derrick Monasterio bilang Andy, Barbie Forteza bilang Faith at Daria Ramirez bilang lola ni Faith. Sila ang kumupkop kay Raquel (Rhian Ramos).
Ayon kay Barbie, marami silang eksena ni Rhian na magkasama sila. Sa pagkaalam pa ni Barbie, hanggang katapusan ng “Genesis” kasama ang karakter niya. Maraming fans nila ni Derrick ang natuwa dahil muli silang napapanood sa isang teleserye matapos ang huli nilang pagsasama sa “AnnaKareNina.”
Ayon naman kay Dingdong Dantes, hanggang January next year ang airing ng “Genesis.” Hindi na pwedeng i-extend dahil masisira ang konsepto ng sci-fi- action-drama series na ito. Paigting nang paigting ang mga kaganapan sa “Genesis,” kaya naman tinututukan ito gabi-gabi pagkatapos ng “Adarna” sa GMA7.
By the way, bukod sa namahagi ng relief goods sa Estancia, Iloilo si Dingdong bilang bahagi ng Oplan:Bethlehem ng kanyang Yes Pinoy Foundation, magpapatayo pa siya ng apat na classrooms sa isang eskuwelahan doon at isang gymnasium. Anang Kapuso Primetime King, sapat ang pondong nalikom nila para sa pagpapatayo ng mga ‘yun. Makikipagtulungan sila sa DepEd sa project nilang ito.
Tunay na pagkatao
Ngayong linggo sa “Adarna,” unti-unti nang natutuklasan ni Ada (Kylie Padilla) ang tunay niyang pagkatao. Napadpad siya sa Pugad Sanghaya na tunay niyang pinagmulan nang dalhin siya roon ni Falco (Mikael Daez). Si Falco ang nagligtas kay Ada noong nalagay sa panganib ang kanyang buhay matapos niyang pagalingin ang ina (Isay Alvarez) ni Migo (Geoff Eigenmann).
Mahanap na kaya ni Ada ang ina niyang si Lupe (Jean Garcia)? Mahuli kaya siya ng mga tao nina Garuda (Dante Rivero) at Uwakra (Michelle Madrigal)?