MAGANDANG salubong ng 2014 kay Ryzza Mae Dizon ang panalo niya bilang best child performer sa 2013 Metro Manila Film Festival para sa pelikulang “My Little Bossings.” ‘Kaaliw naman talaga si Aling Maliit at very natural ang acting niya.
Mukhang may Part 2 ang MLB dahil sa ending, nakalagay “Kita kits sa Part 2.” Pwedeng hindi na pasulput-sulpot ang appearance ni Kris Aquino at magkaroon na sila ng love angle ni Vic Sotto. Hindi kaya? Pwedeng maging mag-asawa na sila sa istorya. Pangunahan ba ang scriptwriter?
Karirin na kaya ni Kris na magkaroon sila ng sitcom ni Vic? Sinabi niya kasi noong presscon ng MLB na nagpapakipot pa si Vic sa idea niyang magsama sila sa isang sitcom sa ABS-CBN. Pwede naman kung gugustuhin ni Vic dahil wala siyang network contract. Nakakalabas siya sa GMA at TV5.
Ang inaabangan namin ay ‘yung sinabi rin ni Kris sa presscon ng MLB na may project siya for Aiza Seguerra ngayong 2014. Siya lang daw ang hiningan ng tulong ni Aiza at na-excite siya. Ano nga kaya ‘yun?
Clamor
May clamor na pagsamahin sa isang pelikula sina Ryzza Mae Dizon at Robin Padilla na nanalong best actor sa Metro Manila Film Festival. Why not? Magandang ideya ‘yun at sana si Joyce Bernal ang direktor. Magkakaroon na siya ng pagkakataong makatrabaho si Aling Maliit, if ever.
Si Bernal sana ang director ng “My Little Bossings:’ kaya lang aniya, nagcommit na siya sa producers ng “10,000 Hours” na pinagbidahan ni Robin. Right decision dahil nanalong Best Picture ito at humakot ng maraming awards sa MMFF. Nanalo rin si Bernal bilang best director.
Sana lang, sa panalo ni Robin at ng kanyang pelikula’y maging hudyat na ito sa muling pagbabalik ng action movies. Maging masigla na naman sana ang ganitong genre at hindi ‘yung puro romantic-drama o
comedy na lang ang napapanood.
Mailap
Mukhang mailap talaga kay Governor ER Ejercito ang mga award sa MMFF. Third time na niyang nag-join sa taunang film festival na ang mga nauna niyang entries ay “Asiong Salonga” at “El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story.” Talagang ginastusan ni Gov. ER ang mga naturang proyekto to make sure na dekalidad ang mga ito.
Walang nakuhang major award ang “Shoot to Kill: Boy Golden.” Best Float lang ang napanalunan nito. Umasa pa naman si Gov. ER na dahil si Chito Rono ang direktor nito’y makakahakot sila ng awards.
Dismayado si Gov. ER na hindi si KC Concepcion ang nanalong best actress. Sinabi niya sa presscon na kapag natalo si KC ay nadaya ito. Meron nga bang naganap na dayaan?