by Rowena Agilada
HINDI lang ang kataklesahan o pagmamaasim ni Kim Chui noong presscon ng “Bride for Rent” ang napansin ng entertainment writers. Pati ang seksi-seksihan niyang outfit. Bukod sa halos kita na ang kanyang cleavage (na parang wala naman), ang taas ng slit ng kanyang belowthe knee dress na ilang pulgada na lang, abot-singit na.
“Daring ka nang manamit ngayon,” punang isang entertainment writer. “Turning 24 na ako sa April. Hindi na ako teenager. Alangan namang magbata-bataan ako. Ibinabagay ko lang sa edad ko ang pananamit ko,” sambit ni Kim. “Pag 30s ka na, mas daring ba ang isusuot mo?” hirit ng entertainment writer (EW) na ikinangiti lang ni Kim. “Pag 40s ka na, corporate suit ka na?” hirit uli ng EW. “Gaya niya,” ani Kim sabay tingin sa katabing direktor nilang si Mae Czarina Cruz. Inamin nito, 40 years old na siya. Taklesa rin talaga ang tsinitang aktres.
Sabi pa ni Kim, kapag may nakakasalubong siyang kakilala sa ABS-CBN, sinasabihan siyang hindi na siya mahinhin. Agresibo kasi ang karakter niya sa “Bride for Rent” na siyang humahabol sa lalaki. Ani Kim, ang peg niya’y ang mga baklang kasama nila sa set. “Ang dami kong gay friends. Masarap sila kausap. Naiimbibe ko ‘yung pagiging bakla nila.”
Sino naman kaya ang peg niya nang magpakawala siya ng mga linyang “We don’t owe you any of our personal lives?” Nakabog ni Kim ang statement ni Anne Curtis na, “I can buy you, your friends and this club.”
Sino kaya sa Kapamilya stars ang susunod na magpapakabog ng mga linya?
Basta may trabaho
Kasama si Matt Evans sa cast ng “Bride for Rent” kung saan kapatid ni Kim Chiu ang role niya. Nagbida na siya noon sa “Pedro Penduko” sa ABS-CBN at iba pang teleserye ng Kapamilya network. Naging love team sila noon ni Melissa Ricks na tinangkilik din naman ng kanilang fans. Isa noon si Matt sa matinee idols na produkto ng “PBB Teen Edition.”
Unfortunately, hindi nagtuluy-tuloy ang ningning ng bituin ni Matt hanggang supporting roles na lang ang natoka sa kanya. “Okey lang. Hindi naman ako namimili ng role, basta may trabaho,” ani Matt sa presscon ng “Bride for Rent.” Choosy pa ba siya, lalo na ngayong may asawa na siya? Three and a half months pregnant ito sa kanilang panganay.
May love child si Matt sa previous relationship niya. Nagkaroon ng controversial issue noong nabalitang diumano’y sinaktan niya ito physically na humantong sa demandahan. Inaayos na ang kaso, ayon kay Matt and hopefully, this year ay magkaroon na ng desisyon ang korte.
Itinakas
Ilalahad ngayong Sabado sa “Magpakailanman” ang kuwento ng isang ama na itinakas ang anak sa ospital dahil wala itong pambayad. Pinamagatang “The Marlon de Leon Story,” tampok sina Rocco Nacino at Katrina Halili, sa direksiyon ni Maryo J. delos Reyes.
Bilang isang ama, gusto ni Marlon mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Pero may sariling diskarte ang kanyang asawa. Kumabit ito sa iba’t ibang lalaki at nasangkot sa illegal na droga.
Paano hinarap ni Marlon ang sitwasyon? Tutok lang sa “Magpakailanman” pagkatapos ng “Vampire ang Daddy Ko” sa GMA7.